Sabi ko
Ayaw kong maglaba sa gabi
Hindi ko alam kung bakit
Siguro'y ayaw kong makitang
nakasungaw ang bituin sa ulap
at pinapanood ang bawat kong kusot
Pero hindi kagabi--
Ang totoo
Naglaba ako
Sinamantala ko ang pangungulimlim
ng bituin sa nangingilid na ulap
At natitiyak ko
Maputi ang aking nilabhan
Sinunod ko yata ang bawat instruksyon
Sa likod ng pakete ng Tide Ultra:
1. Kunin sa timba ang damdaming
matagal nang binabad
2. Kusutin nang mabuti
Pabulain
Pabulain upang matiyak na
Natatakpan na ng bula
Ang mga salitang noon pa sana sinabi
3. At dahil nahuli na sa sikat ng araw
Na siyang pagkukulahan,
Lagyan na lamang ng clorox
Upang kumupas at walang makakakita
Sa mantsa ni Eros
4. Banlawan
Maraming banlaw
At tiyaking maisama sa tubig
Ang mga sentimyento
At panghihinayang
5. Ibuhos sa kanal ang tubig
Upang makapagtago sa burak
Ang mga pagsinta
6. Isampay sa mahanging lugar
Ang nilabhang damdamin
Pabayaan itong makahinga
Matagal na rin namang
Naikubli ito sa baul
Pagmumuni pagkatapos...
Napigaan ko na ang damit
Mariin
Nakalimutan ko nga lamang
Pigaan ang tubig sa aking mata
Paalam muna
Samantala'y magpapatuyo muna ako--
ng damit
ng mata
sana'y walang makakita
Salamat sa pakete ng Tide ultra
ni Gilbert Sape
* * * * *
Nabanggit kasi siya sa akin ng aking ka-opisina kaya't ako nama'y na intriga.

astig nmn nito nakagawa ng tula dahil sa tide ultra :)
ReplyDeleteidol. galeng neto.
ReplyDeleteANG TIDE ULTRA, BOW. lol
ReplyDeletehaha never ko naisip na i connect and tide sa love hahah
ReplyDeletetambling sa Tide Ultra. Ito ung nilalaklak kiz pag feeling ko ang dumi-dumi ko na. (which is like rarely lang teh ha?) LOL
ReplyDeleteThis comment has been removed by a blog administrator.
ReplyDeletedahil diyan... baka gumawa din ako gamit naman ang downy. hehe
ReplyDeleteAng galing ni Gibo ano? Malalim ang hugot ng tulang ito nung matanong ko sya minsan. Nginitian nya lang ko.
ReplyDeleteIkaw, may damdamin ka rin bang matagal nang binabad?